Saturday, July 03, 2004

Bago

Huwebes. Masarap ang lechon paksiw na luto ni Ruel. Niyaya niya akong kumain, buti na lang at di ako kumain sa labas bago umuwi sa dorm. Pasado alas-nuwebe ng gabi nang lumabas muli ako ng dorm. Mahaba pa ang gabi, marami pang nangyari. Hindi na bago ito, bigo akong makatakas sa dati.

Biyernes. Faculty day. Maghapong pakikinig sa mga nagawa at plano ng Loyola Schools. Mabuti't masarap ang pagkain. Pagkatapos, nabasa ko ang review ni A.O. Scott sa bagong pelikula ni Richard Linklater, ang Before Sunset na sequel ng Before Sunrise na una kong napanood sa English class ko noong nasa kolehiyo pa ako. Gustung-gusto ko ang Before Sunrise noon--noon na gusto ko lang makinig. Nagsisimula raw ang kuwento ngayon siyam na taon matapos ang paghihiwalay ng mga karakter nina Julie Delpy at Ethan Hawke sa katapusan ng Before Sunrise noon. Excited na akong mapanood ang pelikula. Kailan kaya mabibili ang pirated dvd nito sa Quiapo?

Ngayon. Katatapos lang ng klase ko para sa Filipino for Foreigners. Galing sa Japan, Myanmar, Thailand at Vietnam ang mga estudyante ko. Para kanina'y pinagdala ko sila ng comic strips para makita namin ang humor ng mga Pinoy. Ang dinala ng isa'y tungkol sa pagpoproklama kay GMA:

Babae: Oy, madaling-araw pala iprinoklama si GMA.
Lalaki: Talaga? E tulog tayo noon a. Bakit kaya madaling-araw?
Babae: Na-influence siguro... ng "Bangon Pilipinas" ni Brother Eddie at "Bagong Umaga" ni FPJ.

May isa pang tungkol din sa pagkapanalo ni GMA:

GMA: Sa wakas, ako na ang presidente!
FPJ: Tinatanggap ko nang ikaw ang presidente... pero di ako papayag na tinalo mo ako.

Ano'ng bago?

Ngayun-ngayon lang, nakita ko na may bago nang libro si Alex Garland (pareho kong nabasa ang aklat niyang The Beach at The Tesseract, nagustuhan ko rin ang screenplay niya para sa 28 Days Later), ang The Coma. Kapag nga siguro naparalisa ka, bigla'y bago lahat. Pero paano kapag nagtagal kang gayon?

Paano dinaranas ng walang pandama ang daigdig?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home