Tuesday, August 03, 2004

Katatawanan sa Buwan ng Wika

Press Release

Matapos ang kaguluhan sa nakaraang eleksyon, ang muling pagbagsak ng piso, at ang tensyon sa kalagayan ni Angelo dela Cruz, narito na ang pagkakataon nating magpahinga at muling humalakhak. Sa buong buwan ng Agosto inihahandog ng Kagawaran ng Filipino, Paaralan ng Humanidades, Pamantasang Ateneo de Manila ang KATATAWANAN: Komedya sa Panitikan at Kulturang Popular ng Pilipinas. Isang pagdiriwang sa buong buwan ng Agosto, Buwan ng Wika.

Pormal na bubuksan ang programa sa ika-9 ng Agosto, 8:30 n.u. sa pamamagitan ng pagtataas ng bandila sa Xavier Hall na susundan kaagad ng pagbubukas ng exhibit ng mga gawa ni Tony Velasquez, Ama ng Komiks sa Pilipinas at lumikha kay Kenkoy, sa Rizal Library Exhibit Area ng 9:00 n.u.

Sa ika-13 ng Agosto, 4:30 n.h. sa Rizal Mini Theatre, tatalakayin naman ni G. Jerry Respeto bilang unang panayam ng programa ang "Tradisyon ng Dulang Katatawanan sa Pilipinas sa 40/40."

Sa ikalawang panayam, makinig sa mga kurukuro ni Dr. Jose Bernard Capino tungkol sa "Panggagaya at Panggogoyo: Postkolonyal na Hybridity sa 'Barbi: Maid in the Philippines'" na gaganapin sa Rizal Mini Theatre, ika-20 ng Agosto, 5:00 n.h. Sa araw rin na iyon ang huling araw ng pagbibigay ng mga lahok para sa Timpalak Tula at Timpalak Sanaysay kung saan ang tema para sa sanaysay ay "Ang Bisa ng Komedya sa Panititkan."

Ka! Poetry Jamming Session naman ang magaganap sa ika-27 ng Agosto, 5:30 n.h. sa Rizal Mini Theatre bilang huling hirit ng Kagawaran ng Filipino para sa Buwan ng Wika.

Makisali sa isang buwan ng katatawanan at ipagdiwang ang yaman ng wikang Filipino sa darating na Agosto. Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Kagawaran ng Filipino sa 426-6001 loc. 5321 o magpadala ng text message sa (0919)274-6482.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home